Ni JAM NAVALES
DAHIL sa inaasahang mas matinding epekto ng El Niño phenomenon sa mas maraming lugar ng bansa, nanawagan ang isang kongresista sa Department of Agriculture (DA) na gamitin ang nasa P1-bilyong Quick Response Fund (QRF) sa mga magsasaka sa mga apektadong rehiyon.
Para kay AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee, hindi dapat ipagwalang-bahala ang state of calamity na idineklara ng maraming local government units (LGU) bunsod ng epekto ng tagtuyot sa sektor ng agrikultura.
Pinakahuli dito ang munisipalidad ng San Enrique sa lalawigan ng Negros Occidental kung saan ayon sa mga opisyal nito na 90 percent ng kanilang palayan ang tuluyan nang natuyo.
Batay sa impormasyong nakalap ni Lee, lumalabas na ang San Enrique na may lawak na 2,884.75 ektarya at populasyong 26,000 kataon ay itinuturing na top rice-producing town sa Negros Occidental.
Bukod sa San Enrique, nasa 20 iba pang LGUs ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng matinding tag-init sa kani-kanilang lugar.
“Kailangang i-expect natin na sa darating na mga linggo ay madadagdagan pa ang mga lugar na magdedeklara ng state of calamity dahil sa matinding init at tagtuyot. Kaya dapat siguraduhin ng DA na ready for release at download sa kanilang regional offices ang QRF kapag nagdeklara na ng state of calamity ang mga LGU para naman mabigyan ng agarang ayuda ang mga apektadong magsasaka sa mga lugar na ‘yon,” diin ni Lee.
Napag-alaman na sa ilalim ng 2024 national budget, ang DA ay mayroong nakalaaan na P1 bilyong QRF, habang ang mga LGUs ay meron din kahalintulad na pondo.
Hiniling din ng Bicolano lawmaker sa DA at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magkaroon ng sapat na koordinasyon para sa pagsasagawa ng cloud-seeding operations lalo na sa major farm areas ng bansa bilang solusyon sa nararanasang tagtuyot.
“Patuloy na mahihirapan ang mga magsasaka sa kanilang produksyon hangga’t hindi sapat ang irigasyon. Dapat proactive tayo at hindi reactive dahil buhay at hanapbuhay ang nakataya dito,” wika pa ni Lee.
“Nananawagan tayo sa PAGASA na pag-igihan pa sana ang pagbabantay sa mga cloud formation para matukoy agad kung seedable ang mga ulap na ito. Kooperasyon ang kailangan para malampasan ang anumang kalamidad, para mapangalagaan ang kabuhayan ng ating mga kababayan, at mabawasan ang pangamba kung saan kukuha ng pantustos sa pagkain at iba pang pangangailangan tulad ng pagkakasakit sa pamilya. Sa pagtutulungan, Winner Tayo Lahat,” pagtatapos ng mambabatas.
