Ni LILY REYES
DESIDIDO pa rin ang grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na ituloy ang tigil-pasada sa susunod na linggo sa kabila pa ng patong-patong na kasong isinampa kamakailan ng Quezon City Police District (QCPD).
Kinumpirma ng grupo ang planong pagbabalik sa kalsada para sa dalawang-araw na protesta sa Lunes (Abriil 29) hanggang kinabukasan kung hindi pa din diringgil ng pamahalaan ang hinaing ng sektor kaugnay ng isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Pagtataya ng PISTON, aabot sa 250,000 miyembro mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang lalahok sa panibagong tigil-pasada.
“Pakiusap namin sa mga commuter na unawain ang kalagayan ng mga driver at operator dahil ito ay laban ng mga mamamayan. Ito ay laban ng malawak na sektor ng mga commuter,” wika ni Ruben Baylon na tumatayong deputy secretary ng grupo.
Nito lamang nakaraang Abril 15 at 16, nagkasa rin ng tigil-pasada ang PISTON, kasama ang mga miyembro ng grupong Manibela bunsod ng nalalapit na deadline ng PUV consolidation.
