SA hangaring tugunan ang pangangailangan ng maralitang pamilya sa nasasakupang lungsod, inihayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagtatayo ng abot-kayang pabahay sa loob ng lokalidad.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Belmonte ang mga informal settlers na aniya’y may malaking ambag sa ekonomiya ng bansa.
Paliwanag ng alkalde, hindi angkop na pabayaan ng gobyerno ang mga informal settlers. Katulad ng iba pang sektor, hindi matatawaran ang ginagampanang papel sa lipunan ng uring manggagawa.
Inihayag ni Mayor Belmonte ang plano matapos dumulog sa kanyang tanggapan ang ilang lider maralita sa pamumuno ni Amihan Dipasupil, presidente ng Samahang Nagkaikaisang Magkakapitbahay ng 145 Calamba Street Inc. (SNMCI).
Humingi ng tulong ang grupo para sa pagkakaroon relokasyon matapos ipag-utos ng korte na gibain ang may 50 bahay na umuokupa sa pribadong lupa sa Calamba Street, Barangay Sto. Domingo.
Sa pulong, napag-alaman ng alkalde na ang may-ari ng lote ay hindi nagbigay ng relokasyon o substansyal na tulong sa mga apektadong pamilya.
Lubos naman ang pagkabahala ni Belmonte sa kapakanan ng mga bata makaraang aminin ng mga residente na sa kalsada nanunuluyan ang mga pinalayas na pamilya.
Garantiya ni Bdlmonte, ang bawat pamilyang apektado ng demolisyon ay tatanggap ng P35,000 na tulong pinansyal mula sa pamahalaang lungsod.
Gayunpaman, hindi saklaw ng ayuda ang ilang pamilyang boluntaryong nag-demolish ng kanilang mga tahanan pagkatapos makatanggap ng katamtamang pabuya mula sa may-ari ng lote.
Ang tulong ng QC-LGU ay magsisilbing suporta sa bawat apektadong pamilya upang ipambayad sa kanilang uupahang bahay o silid habang sinisimulan ng pamahalaang lungsod ang proyektong pabahay na inaasahang matatapos ngayong taon.
Ani Belmonte, layunin ng kanyang administrasyon na isulong ang in-city housing project sa halip na ilipat sila sa mga malalayong relocation sites na karaniwang walang sapat na basic services tulad ng tubig at kuryente, maging ang kawalan ng trabaho.
“Kung ang mga informal settler na pamilya ay mananatili sa lungsod, makakatipid sila sa araw-araw na pamasahe papunta sa kanilang mga trabaho sa Quezon City,” ani Belmonte.
