Ni EDWIN MORENO
TALIWAS sa agresibong kampanya ng Department of Transportation ang ipinamalas ng isang nagpakilalang Assistant Secretary ng naturang kagawaran matapos igiiit sa mga sumitang traffic enforcers na exempted siya bilang opisyal ng pamahalaan sa polisiyang nagbabawal dumaan sa EDSA Busway.
Sa kalatas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), naispatan ang isang SIV habang bumabaybay sa exclusive bus lane malapit sa panulukan ng Ortigas Avenue at EDSA.
Nang sitahin, agad na nagpakilalang Asec ang lulan ng SUV na nakitaan pa ng panibagong alingasngas – paglabag sa number coding na umiiral sa Metro Manila.
Bagamat pumayag magmulta ng P500 para sa paglabag sa number coding, hindi inisyuhan ng traffic violation citation ticket ng mga MMDA traffic enforcers ang naturang Asec para sa pagpasok sa EDSA Busway.
Tumanggi ang MMDA maglabas ng iba pang detalye, sa pakiusap di umano ng DOTr Asec.
Batay sa regulasyon ng DOTr, mga pampasaherong bus lang ang pwede dumaan sa EDSA Busway. Gayunpaman, may mga exemption na inilabas ang departamento para sa ambulansya, fire trucks, police vehicles, at convoy ng Presidente, Vice President, Senate President, House Speaker at Chief Justice.
Wala sa talaan ng mga binigyan ng exemption ang mga Assistant Secretary.
