Ni LILY REYES
TATLO katao ang patay habang 17 pa ang sugatan makaraang araruhin ng isang pampasaherong bus ang pitong sasakyan sa Fairview, Quezon City Lunes ng gabi.
Sa ulat na natanggap ni Quezon City Police District (QCPD) Director Brig. Gen. Redrico Maranan, ang mga biktima ay nasa edad 7-anyos na bata, 45-anyos na babae, kapwa nakatira sa Camarin, Caloocan at 25- anyos na lalaki ng San Mateo, Rizal.
Agad namang inaresto ang bus driver na si Rolly Canapi Pascua, 42 taong gulang ng Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Nangyari ang malagim na aksidente bandang alas 9:37 ng gabi nitong Lunes (Abril 29) sa panulukan ng Commonwealth Ave, at Fairlane St. Brgy. Fairview, sa nasabing lungsod.
Binabagtas ni Pascua ang kahabaan ng Commonwealth Ave., patungong Elliptical Road nang mawalan umano ng preno ang minamanehong bus.
Batay sa kuha ng CCTV, mabilis ang takbo ng bus at inararo nito ang dalawang motorsiklo at UV Express na nasa harapan na tumama naman sa iba pang mga pang motorsiklo at taxi.
Nabatid na ang isang nasawi ay sakay ng motorsiklo na pumailalim sa bus habang ang dalawa pa ay lulan naman ng UV Express.
Humihingi naman ng tawad ang driver ng bus, kasabay ng giit na hindi niya ginusto ang nangyari.
Sasampahan ng Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide, Multiple Physical Injuries at Multiple Damage to Property ang suspek
Samantala, kinastigo naman ng Land Transportation Office (LTO) ang driver ng killer bus.
Naglabas na ng Show Cause Order (SCO) ang (LTO) laban sa driver at may-ari ng pampasaherong bus na bumangga sa ilang motorsiklo at isang van na nauwi sa pagkasawi ng tatlo katao at pagkasugat ng 17 mga pasahero sa Quezon City.
Sinuspinde rin ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, lisensya ni Canapi sa loob ng 90 araw habang ang Nissan Bus na may plate no. TXY 610 ay inilagay sa ilalim ng alarma.
“We are already conducting a thorough investigation into the matter and part of this investigation is the summon sent to the driver and registered owner of the passenger bus to appear before the probe team of the LTO,” ayon kay Mendoza.
Dagdag ng LTO chief, hiwalay ang mga kasong isinampa ng pulisya sa mga kasong ihahain ng LTO batay sa resulta ng imbestigasyon.
