PINURI at kinilala ni Speaker Martin G. Romualdez ang mga repormang ipinatupad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. bilang siyang dahilan sa naitalang pagbaba ng inflation rate sa 1.4 percent nitong nakaraang buwan ng Abril.
“Ang pagbaba ng inflation sa 1.4 percent ngayong Abril ay isang konkretong patunay na ang mga hakbang ng pamahalaan ay may tunay na epekto sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino,” ang malugod na sabi pa ng lider ng Kamara na binubuo ng nasa 306 mambabatas,
“Ipinapakita ng numerong ito na mas kontrolado na ang presyo ng mga pangunahing bilihin – mula sa bigas, gulay, at karne, hanggang sa kuryente at pamasahe. Ibig sabihin, mas abot-kaya na ang pang-araw-araw na gastusin, at mas lumalawak ang kakayahan ng bawat pamilyang Pilipino na mapagkasya ang kanilang kita,” dugtong ni saad pa niya.
Ayon lider ng Kamara na mayroong 306 kinatawan, inaasahan na ang pagbaba ng inflation at hindi ito tsamba lang.
“Hindi ito basta resulta ng swerte. Ito ay bunga ng malinaw na direksyon at matatag na pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasama ang buong Kongreso na katuwang niya sa pagpasa ng mga reporma at batas na layuning palakasin ang ekonomiya, ibaba ang presyo ng bilihin, at lumikha ng mas maraming trabaho,” mariing pahayag ni Speaker Romualdez.
Sinabi ng Leyte lawmaker na ang pagbagal ng inflation rate noong Abril ay dulot ng mas mababang presyo ng bigas at iba pang pangunahing pagkain.
“Pinabilis natin ang pagdating ng mas murang pagkain sa merkado, binuksan natin ang mga oportunidad para sa negosyo at pamumuhunan, at tiniyak nating hindi iiwanan ang mga maliliit na negosyante at manggagawa sa ating pag-unlad,” ani Speaker Romualdez.
“Ngayon, unti-unti na nating nararamdaman ang bunga ng mga repormang ito. Hindi na lamang ito datos sa papel – ito’y ginhawa sa palengke, dagdag-kaya sa bulsa, at pag-asa sa bawat tahanan,” sambit pa niya.
Nangako naman si Speaker Romualdez na siya at ang Kamara ay patuloy na susuporta kay Pangulong Marcos Jr. para mapanatiling mababa ang presyo ng pagkain at patuloy na lumago ang ekonomiya ng bansa.
“Bilang lider ng Mababang Kapulungan, mananatili tayong tapat sa ating tungkulin: ang tiyakin na ang bawat batas na ipinapasa natin ay may direktang benepisyo sa mamamayan. Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, ang ating pangarap ay hindi lang paglago ng ekonomiya, kundi ang pag-asenso ng bawat Pilipino,” giit pa niya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
