ISANG linggo matapos ang karumal-dumal na pamamaslang sa isang haligi ng peryodismo, bumuo ng isang special investigation team on new cases (SITN) ang Department of Justice sa hangaring panagutin ang may sala.
Partikular na tatalupan ng DOJ ang pagpatay sa 89-anyos na si Johnny Dayang sa loob ng kanyang tahanan sa Kalibo, Aklan.
Minsan nang nanungkulan si Dayang bilang OIC mayor matapos ang makasaysayang People Power Revolution na nagpatalsik kay dating Pangulo Ferdinand Marcos Sr. noong Pebrero 1986.
Ayon sa DOJ, nagtalaga na ng dalawang prosecutor na mangangasiwa at maglalabas ng “regular update” sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation.
“They are tasked with leading and supervising the fact-finding process, gathering and securing evidence and facilitating the filing of appropriate charges, as warranted by the findings,” ayon sa DOJ.
Abril 29 nang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin si Dayang sa Barangay Andagao ng nasabing lokalidad.
