MATAPOS ang matagumpay na pagsasapribado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City, target naman ngayon ng pamahalaan isalang sa public-private partnership (PPP) ang 10 pang paliparan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa isang kalatas ng Department of Transportation (DOTr), inamin ni Sec. Vince Dizon ang plano ng pamahalaan sa 10 regional airports sa ikalawang bahagi ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang aniya sa mga target ipasok sa public-private partnership (PPP) ang mga paliparan sa Iloilo, Davao, Siargao, Laoag, Busuanga, Bicol, Tacloban, Bacolod-Silay, General Santos, at Puerto Princesa.
Giit ni Dizon, pinaka-angkop ang pagsasapribado sa mga tinawag niyang “viable airports” habang kailangan aniyang magkaroon ng airstrip ang ibang lugar para sa logistics at disaster response.
Base sa datos ng DOTr, may pitong paliparan na ang nasa ilalim ng PPP kabilang ang NAIA, Mactan-Cebu International Airport, Clark International Airport, Bohol-Panglao International Airport, Laguindingan Airport, Caticlan Airport, at New Manila International Airport.
