DESIDIDO ang Partido Demokratikong Pilipino (PDP) na palakasin ang lapian bilang bahagi ng puspusang paghahanda sa karerang pampanguluhan pagsapit ng taong 2028.
Sa isang pahayag, ibinahagi ng PDP ang anila’y pagbabago sa pamunuan ng partido – ang pagpasok ng anak ni former President Rodrigo Duterte na si Baste bilang pangulo ng lapian, kapalit ni Senador Robin Padilla.
Gayunpaman, nilinaw ng PDP na layon lang ng partido bigyan si Padilla ng pagkakataon tumutok sa trabaho bilang mambabatas sa senado.
“Senator Robin Padilla has taken a leave as president of the PDP Laban to focus on his duties as legislator in the 20th Congress,” saad sa anunsyo ng partido.
“With this development, Sebastian “Baste” Duterte, who is the PDP Laban executive vice president, will assume the party’s presidency based on the rule of succession in the party constitution,” dagdag pa ng PDP Laban.
Samantala, naglabas din ng pahayag si Padilla matapos siyang palitan bilang presidente ng PDP. Aniya: “Layunin ko pong ituon ang aking atensyon sa aking tungkulin bilang senador, lalo na sa paghahanda sa pagbubukas ng 20th Congress.”
