MALIIT na sweldo at matabang na respeto ang nakikitang dahilan sa kawalan ng interes sa Pilipinas ng mga Filipino nursing graduates na pipiliin magtrabaho sa ibang bansa.
Sa datos na ibinahagi ni Quezon City Rep. Marvin Rillo na tumatayong chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, umabot sa 14,158 Filipino nursing graduates ang kumuha ng US licensure examination sa unang anim na buwan ng 2024.
Para kay Rillo, ang dami ng mga nais magtrabaho bilang registered nurse sa Estados Unidos ay patunay na hindi sapat ang sahod na alok ng mga pribado at pampublikong medical healthcare institutions sa Pilipinas.
Sa naturang datos, lumalabas din aniya na nasa 57% ng mga Filipino nursing graduate na kumukuha ng US licensure test ang pumapasa.
Sa nakalipas na taon umabot sa 36,410 ang bilang ng mga Filipino nurse na kumuha ng US licensure test sa unang pagkakataon.
Batay sa pagtataya ng US Bureau of Labor Statistics nasa $86,070 (mahigit P5 milyon), ang average na taunang kita ng registered nurse sa Estados Unidos.
Mungkahi ni Rillo, itaas ng 75% ang entry level salary ng mga nurse sa mga ospital ng gobyerno para dito na lamang sa Pilipinas magsilbi.
