BUKOD sa pagiging abogado ng sinalakay na Lucky South 99 hub sa Porac, Pampanga, posibleng sumabit din ang isang dating opisyal na Palasyo matapos mahuli sa kanyang bahay ang dalawang Chinese nationals na di umano’y sangkot sa iba’t-ibang cybercrimes sa likod ng illegal Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hub.
Sa isang operasyong ikinasa ng pinagsanib na pwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Bureau of Immigration, at Criminal Investigation (BI) and Detection Group (CIDG), sa bahay ni dating presidential spokesperson Harry Roque sa Pinewoods Golf and Country Club sa Tuba, Benguet, dalawang Chinese nationals ang dinampot na hinihinalang konektado sa illegal POGO operation.
Ayon kay PAOCC, target sa nasabing pagsalakay ang dalawang puganteng Chinese nationals na di umano’y sabit sa kabi-kabilang kaso sa bansang China.
Kapwa dinala ang dalawang arestadong Chinese nationals sa BI para sa pagsasaayos ng deportation patungo sa pinagmulang bansa.
Gayunpaman, wala pang pahayag si Roque hinggil sa pagkakadakip ng dalawang puganteng Chinese nationals sa kanyang bahay.
Nakatakdang talupan ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality si Roque ngayong araw ng Lunes, Hulyo 29 kaugnay ng mga dokumentong kumaladkad sa kanyang pangalan sa bulilyaso ng Lucky South 99 hub sa Porac, Pampanga.
Una nang lumutang ang pangalan ni Roque matapos ikanta ni Philippine Amusement and Gaming Corporation chief Alejandro Tengco ang di umano’y pangungulit ng dating Palace official hinggil sa reapplication ng lisensya ng nasabing POGO.
