KINUMPIRMA ng Commission on Elections (Comelec) ang ulat na 19 patay habang 19 ang sugatan sa katatapos na Barangay and Sangguniang Kabataan elections kahapon, Oktubre 30.
Sinabi ni Comelec spokesman Atty. John Rex Laudiangco na ang bilang ay mula Agosto 28 hanggang Oktubre 30.
Nasa 113 iba pang kaso ang iniimbestigahan, ayon pa kay Laudiangco.
Minomonitor din ang 237 insidente ng karahasan na may kinalaman sa BSKE.
Ayon kay Philippine National Police (PNP)
spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, 35 kaso rito ay kumpirmadong konektado habang ang 99 ay walang kaugnayan sa halalan.
Nasa 103 pang kaso ang inaalam kung konektado sa BSKE.
“Umabot na po sa 237 ang naitala nating insidente. Ang confirmed election-related incidents ay 35 pa rin po. But iyong suspected related incidents…nasa 103 ang ini-imbestigahan pa rin natin. At ninety-nine pa rin po ang non-ERI,” sabi nito.
Karamihan sa kumpirmadong karahasan sa halalan ay naitala sa Bangsamoro na may 13 kaso, kasunod ang Cordillera na may lima at Northern Mindanao na may apat na kaso.
Tatlong kaso rin ang naiulat sa Ilocos at Eastern Visayas.
Dalawang kaso sa Bicol Region at Central Visayas. Tig-iisa sa Calabarzon, Zamboanga, at National Capital Region.
Sa 35 kumpirmadong insidente, 17 ay shooting incident, apat ang mauling, dalawang kidnapping, dalawang pagbabanta armed encounter, indiscriminate firing at robbery.