
SA ilalim ng international law, may karapatan ang Pilipinas na magsagawa ng patrulya sa kahabaan at lawak ng West Philippine Sea, kasama na ang Bajo de Masinloc, na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ito ang pinanindigan ni National Adviser Eduardo Año bilang tugon sa sinasabi ng China na hinarang at pinagbantaan nila ang Filipino warship na BRP Conrado Yap (PS-39), dahil trespassing ito sa katubigan ng Huangyan Island (ang Chinese name ng Scarborough Shoal) noong Oktubre 30.
“Under international law, the Philippines has every right to patrol the length and breadth of the WPS which necessarily includes Bajo De Masinloc which is well within the country’s EEZ,” ayon kay Año sa inilabas na kalatas.
Nagsagawa umano ang PS39 ng routine patrol operations sa bisinidad ng Bajo de Masinloc nang walang masamang nangyari. Hindi rin umano ito illegal na pumasok sa alinmang teritoryo ng China dahil bahagi ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc at ng EEZ. Tulad ng dati, hinaras ng barko ng China ang kilos ng PS39.
Sinabi ni Año na muling napuno ng tensiyon ang lugar dahil sa ginawa ng China na pagsunod sa barko ng Pilipinas.
Dahil dito, sinabi ni Año na handa ang Armed Forces at Philippine Coast Guard (PCG) at hindi matitinag sa plano at iba pang illegal na gawain PLAN Navy/China Coast Guard/Militia sa West Philippine Sea.
“We urge China to act responsibly, respect UNCLOS, adhere to the 2016 Arbitral Ruling, promote the rules-based international order, and stop its aggressive and illegal actions in PH waters,” sabi pa ni Año.
“Kasunod na matinding patnubay ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., poprotektahan namin ang ating teritoryo sa kahit anong paraan,” dagdag pa ni Año.