Ni Lily Reyes
TATLONG linggo lang ang ibinigay na palugit ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga talunang kandidato sa nakaraang Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE) para sa ‘transition’ sa mga bagong halal na barangay officials.
Paalala ni Local Government Secretary Benhur Abalos sa mga talunan, agad na isagawa ang pagsasalin ng responsibilidad sa mga nanalong kandidato.
Ayon kay Abalos, higit na kailangan ang mas maagang transition para agad na sumabak sa trabaho ang ang mga kapitan, kagawad, SK chairperson at mga SK members bilang tugon sa mandatong kalakip ng kani-kanilang pwesto.
Panawagan ng Kalihim, isantabi na ang pulitika sa mga mga magkatunggali upang mabilis na maibalik sa normal ang pangangasiwa ng mga serbisyong gobyerno sa nasasakupang pamayanan.
Alinsunod aniya sa umiiral na panuntunan sa pagsasalin ng responsibilidad ay ang tiyakin detalyado ang lahat ng kagamitan, sasakyan, dokumento at ang pondong (kung mayroon man) maiiwan sa pagpapalit ng liderato.
Tiniyak naman ni Abalos na ang transition sa mga barangay ay susuportahan ng mga tauhan ng DILG alinsunod sa polisiyang ‘transparency.”
Sakali naman aniyang may protesta, kailangan na munang sundin ng mga natalong incumbent ang transition dahil ang Commission on Elections naman ang mamamahala sa kanilang reklamo.