
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA hudyat ng pagbubukas ng ikatlo at huling bahagi ng 19th Congress, binigyang katiyakan ng pamunuan ng Kamara na agad na isasalang ang 2025 national budget, alinsunod sa hiling ng Pangulo.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, prayoridad ng Kamara ang aprubahan ang panukalang budget ng pamahalaan para sa 2025 fiscal year kung saan tampok ang mas agresibong Build Better More program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa panayam, sinabi ng lider ng 300-plus strong member na House of Representatives na agad pagtutuunan ng Kamara ang proposed 2025 National Budget na inaasahang isusumite ng Malakanyang sa Kongreso sa mismong araw ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Marcos.
Para kay Romualdez, ang General Appropriations Bill (GAB) kung saan nakalahad ang taunang budget ng pamahalaan, ang siyang pinakamahalagang panukalang batas na dapat masusing hinihimay at at pinagtitibay agad ng Kongreso.
“Yun ang pinakamabigat at pinakamalaking legislation,” wika ng lider-kongresista.
Una nang inamin ni Romualdez na hihirit ang Pangulo sa Kongreso na aprubahan ang P6.2-trilyong 2025 national budget – mas malaki kumpara sa P5.768 trilyon pondong nakalaan ngayong taon.
Samantala, sa panayam kay Speaker Romualdez sa pagdalo sa pagsasagawa ng Tulong Panghanapbuhay para sa ating Disadvantaged at Displaced Workers (TUPAD), na cash assistance program ng Department of Labor and Employment (DOLE), sa Tiaong, Quezon noong nakaraang linggo, tiniyak niya na patuloy na popondohan ng Kamara ang mahahalagang programa para sa pagtulong sa iba’t-ibang sektor.
“Nakikita ko napakaganda itong programa na ginagawa ng DOLE na TUPAD payout para sa mga magsasaka. Nakita mo naman masayang-masaya, masigla talaga ang ating beneficiaries…kaya itutuloy din natin itong programa sa susunod na budget, kaya ito ang gusto talaga ng taong-bayan,” sabi pa niya.
Binanggit din ni Romualdez na patuloy ang pagsisikap ng Kongreso na maibaba ang presyo ng bigas sa mga pamilihan, kabilang na rito ang isinusulong na amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL).
“On going po (ang discussion) at mukhang magkakasundo na ang House at ang Senate… mukhang malapit na. Matatapos din at magkakaroon tayo ng magandang solusyon,” aniya pa.
Sa ilalim ng panukala, ibabalik at palalakasin ang palay-buying at rice-selling mandate ng National Food Authority (NFA) sa layuning makaimpluwensiya ang ahensya sa pagtatakda ng retail price ng bigas.
Inaasahan din aniya makakatulong para hilahin pababa ang presyo ng bigas sa merkado sa bisa ng tariff cut na inutos ng Pangulo sa imported rice.