Ni ESTONG REYES
MATAPOS ang pasabog ng isang opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na tatalupan ang nasa 24 na dating PNP chief kaugnay ng di umano’y pagtanggap ng malaking halaga mula sa mga kapural ng illegal POGO.
Sa ginanap na pagdinig ng Senado sa panukalang P205.8-bilyong pondo ng pambansang pulisya sa susunod na taon, nilinaw ni Marbil na walang isinumiteng report sa PNP si PAGCOR Senior Vice President Raul Villanueva, isang retiradong heneral at dating commander sa Intelligence Services Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
“Wala pa po kaming report coming from General Raul Villanueva doon sa sinabi niya, but we are investigating 24 of our former chief PNP kung involved po sila,” pambungad na pahayag ni Marbil.
Para kay Marbil, higit na mainam kung magpapaliwag si Villanueva sa paratang na lubhang ikakadiskaril ng isinasagawang reporma para mabawi ang tiwala ng publiko.
“For the meantime, lahat ng 24 ex-PNP chiefs ‘yun po ang iniimbestigahan natin but we have to ask General Villanueva to really mention the name kasi under oath po siya,” giit ni Marbil.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang PNP kay Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos para palawigin ang imbestigasyon sa lahat ng mga tumulong sa pagtakas ni dismissed Bamban Mayor Alicd Guo noong Hulyo.
Una nang sinabi ni Villanueva sa pagdinig ng Senado ang aniya’y intelligence report hinggil sa isang former PNP chief na nasa payroll ni Guo.
Pag-amin ni Marbil nakakaapekto sa imahe ng PNP ang mga impormasyong hindi beripikado tulad ng alegasyong ipinukol ng PAGCOR official.
“Hindi kami natutuwa sa sinabi niya. Since he is under oath you have to tell us kasi it affects the whole organization. And remember it’s not the whole organization na PNP alone. It’s peace and order ang naapektuhan doon sa sinabi niya,” ani Marbil.
Ayon kay Marbil, gumagawa sila ng liham na naka-address kay Villanueva na humihimok sa kanya na tukuyin ang taong kanyang tinutukoy sa pagdinig sa Senado.
Sakaling mabigo si Villanueva na pangalanan ang nasabing ex-PNP chief, nagbabala si Marbil na magsasampa ng kaso laban sa retiradong heneral.
