ANG naudlot ng tambalan ng mag-ama, posibleng matuloy na pagsapit ng 2028 presidential elections.
Sa isang pulong-balitaan, inamin ni dating presidential legal counsel Salvador Panelo na siya mismo ang nagmungkahi kay former President Rodrigo Duterte na magbalik pulitika bilang runnigmate ng anak na si Vice President Sara Duterte.
Pero bago pa man sumabak sa 2028, inurot ni Panelo ang matandang Duterte na kumandidato muna bilang alkalde sa Davao City na kilalang balwarte ng balwarte ng mga Duterte sa loob ng mahabang panahon.
“Mr. President, ang advice ko sa iyo tumakbo ka munang mayor. Kailangan mo ang Davao… Tumakbo kang mayor, then sa 2028 tumakbo kang vice president ng anak mo,” ani Panelo.
“Pag Duterte-Duterte, sigurado yan, babalik sa inyo lahat ng bumaliktad sa inyo kasi napakalakas ninyo,” aniya pa.
Nang tanungin kung ano ang naging tugon sa kanya ng dating Pangulo, binasbasan umano siya ng matandang Duterte na ituloy ang isinusulong na “adbokasiya.”
“Sabi niya (Duterte), ‘Sige. Ituloy mo ‘yang advocacy mo na Duterte-Duterte. Tingnan natin,’” kwento ng abogado sa mga journo.
“Open lang siya sa lahat. Hindi mo siya mako-corner. He will never tell you. Magre-respond lang siya pag may clamor.”
Taong 2022 nang bumaba sa pwesto ang matandang Duterte para bigyang-daan ang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr., matapos manalo sa halalan katambal si Sara Duterte.
Gayunpaman, agad na naputol ang alyansa ng dalawang pamilya bunsod ng polisiya ng administrasyong Marcos kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng termino ni former President Duterte.
