Ni Lily Reyes
NAKATAKDA nang kilalanin sa susunod na linggo ang susunod na linggo ang makakapalit sa pwesto ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda na nakatakdang magretiro sa Disyembre 3 ng kasalukuyang taon, ayon mismo kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.
Ayon kay Abalos, nasa proseso na ngayon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagrerebisa ng mga nominado para maging hepe ng pambansang pulisya.
“Halos lahat naman magaling, but of course, prerogative ito lahat ng ating Pangulo. But in terms of character na hinahanap, the number one standard should be output and performance”, pahayag ni Abalos sa ginanap na 2023 ADAC Performance Awards sa Crowne Plaza sa Quezon City.
“Ibig sabihin, bumababa ang criminality, tumataas ang huli sa droga – yun ang hinahanap ng tao, at yun ang kailangan natin. Talagang performer on the ground,” dagdag ng Abalos.
Gayunpaman, walang binanggit ang DILG chief kung may inirekomenda na siyang posibleng kahalili Acorda bilang bagong PNP chief.
Samantala, usap-usapan sa Palasyo ang tatlo sa pitong nominado – sina National Capital Region Police Office Director Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Major Gen. Romeo Caramat at PNP Directorial Staff chief Major Gen. Emmanuel Peralta – na di umano’y pinagpipilian ni Marcos.
Kasabay nito, inihayag ni Senator Ronald dela Rosa, na kabilang sa mga panauhing tagapagsalita, ang aniya’y pagbalangkas ng amyenda sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at ang napipintong pagpapatibay ng ADAC Bill na lilikha ng permanenteng local drug abuse councils.