SA 12 pambato ng administrasyon sa nalalapit na 2025 midterm election, walo lang ang nakapasok sa Senate Magic 12, batay sa pinakahuling resulta ng survey na pinangasiwaan ng Pulse Asia Research Inc. noong nakalipas na buwan ng Enero.
Tulad ng inaasahan, nanguna ang broadcast personality na si ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo na nakakuha ng 62.8 preferential rating.
Patuloy naman ang pagtaas sa ranking ni reelectionist Senator Bong Go na rumatsada sa ikalawang pwesto sa gradong 50.4 percent.
Hindi kalayuan si former Senate President Tito Sotto na nasa ikatlong pwesto sa gradong 50.2 percent. Pumang-apat naman si Ben Tulfo na may 46.2%, Senador Pia Cayetano na nasungkit ng 46.1%, Senador Bong Revilla 46%, Senador Imee Marcos 43.3%, dating Senador Ping Lacson 42.4%, komedyanteng si Willie Revillame 41.9%, Senador Bato dela Rosa 41.2%, Makati City Mayor Abby Binay 41.1% at dating Senador Manny Pacquiao na may 40.6%.
Kapansin-pansin na hindi kinagat ng masa ang gimik na ginastusan ng husto ni Las Piñas Rep. Camille Villar na nasa ika-13 pwesto, habang nasa ika-14 naman si reelectionist Sen. Lito Lapid. Kinapos din sa karera sina former Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at reelectionist Senator Francis Tolentino.
BONG GO LANG SAKALAM
Sa isang pahayag, lubos na nagpasalamat si Go sa suporta ng mga mamamayan sa kabila pa ng mga kontrobersiyang kalakip ng hidwaan sa pagitan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
“Maraming-maraming salamat sa inyong patuloy na tiwala at suporta. Katulad noon hanggang ngayon, hinding-hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinibigay ng taumbayan sa akin na makapaglingkod sa bayan. Patuloy ang aking serbisyo sa abot ng aking makakaya, na may tunay na malasakit, lalo na sa mga ordinaryong Pilipino, mga mahihirap, at mga walang ibang malalapitan,” pambungad ni Go.
“Kung papalarin at mabigyan muli ako ng pagkakataon na maglingkod sa Senado, ‘more serbisyo’ pa at pro-poor programs ang ating isusulong at pagtitibayin. Mas ilalapit natin ang serbisyo sa tao lalo na sa mga mahihirap at nangangailangan sa paraang walang pinipili o kinikilingan.”
“Ang aking kasipagan ang isa sa mga maiaalay ko sa inyo. Bilang inyong Mr. Malasakit, magseserbisyo, magtatrabaho at makikipaglaban ako para sa kapakanan ng kapwa ko Pilipino. Bisyo ko na po ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos,” pagtatapos ni Go na higit na kilala bilang kaalyado ng pangalawang pangulo.
