
NANINDIGAN si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, na tumayong lead chairman ng House Quad Comm na suportado ng malakas na ebidensya ang mga alegasyon sa impeachment case na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Barbers ang pahayag bilang tugon sa pahayag ng bise-presidente na hindi niya pinagbantaan ang buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa Mindanaoan lawmaker, ang nasabing banta, na ginawa ni Duterte noong Nobyembre 2024 at kumalat sa social media, ay kabilang sa Articles of Impeachment, na nilagdaan ng 215 kongresista at isinampa ng Kamara sa Senado noong Miyerkules.
“Well yung first Article of Impeachment eh may mga ebidensya pong kasama po dun, yung videos, yung pahayag na ating bise presidente, kaya nga po naisama po yan and kaya nga po may proseso,” wika Barbers na chairman ng House Committee on Dangerous Drugs.
“The vice president is saying otherwise, siya ang diyan po sa proceedings eh diyan na po magkakaalaman kung ano po ba yung katotohanan sa likod nitong article na ito,” dagdag ni Barbers.
Sinabi ni Barbers na bagamat hindi siya isang abogado, sa kanyang sariling opinyon ay sapat ang ebidensya para suportahan ang mga paratang sa impeachment.
“From the way I look at it, after appreciating in my own personal opinion lahat po itong articles (of impeachment) na ito ay may pinagbabasehan… may pinaghuhugutan at dahil may pinaghuhugutan… meron mga nakadikit na ebidensya po,” diin niya.
“The way the senator-judges appreciate this evidence eh kanila pong obligasyon yan at nirerespeto po natin ang kanilang opinyon tungkol diyan,” dagdag pa ranking House official.
Samantala, hindi naman ganap na sinusuportahan ni Barbers ang panawagan para magbitiw na lamang sa pwesto si Duterte para hindi na gumastos pa ang gobyerno sa pagsasagawa ng impeachment trial sa Senado.
“Mahirap naman sabihin natin na mag-resign ang ating vice president para hindi na tayo gumastos ng salapi. Hindi naman pwede yun. Bigyan natin ng proseso, bigyan natin ng due process eh karapatan naman din niya bilang bise presidente at kahit sino sa atin karapatan natin na depensahan ang ating sarili sa mga ganitong klase ng mga pagkakataon,” aniya pa.
“Due process, ito po ay nakasaad sa ating Saligang Batas at ito po ay karapatan ng bawat Pilipino. So hindi dapat maging ano yan…parang dahilan lang no na para pagbitiwin natin sa puwesto, no at tsaka yang desisyon na yan, that’s a personal decision,” dagdag pa niya.
Subalit pinuna ni Barbers ang pinapa-impeachment ng mga kongresista dahil hindi umano nito sineseryoso ang proseso na inaprubahan ng supermajority ng mga miyembro ng Kamara.
“Kanya kanya namang pakiramdam yan and we have to give it to her… she’s not taking it seriously. And that’s her right,” sambit ng kongresista.
“And bigay natin sa kanya ‘yon and how she looks at things and how she looks at that particular complaint. Hindi naman natin siya pwedeng masabihan o madiktahan kung ano dapat niyang pakiramdam,” pagtatapos ni Barbers. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)