
TAPOS na ang pagsusuri ng five-man advisory council sa hanay ng mga senior officers ng Philippine National Police (PNP). Ang rekomendasyon ng konseho, tanggapin ang courtesy resignation ng apat na opisyal kasabay ng pagsasampa ng kaso.
Sa kalatas ng PNP, hindi tinukoy ng advisory council ang pagkakakilanlan ng apat na senior police officials na kabilang sa 36 na iba pang hinihinalang sangkot sa droga.
Bago pa man binalangkas ang rekomendasyon, una nang sinabi ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda na papangalanan niya ang mga may bahid-drogang high-ranking police officials sa sandaling maisampa na kaso.
“Ang nasa usapan namin is, we will only name names once the case is filed,” ani Acorda.
“Habang hindi pa na-file ang kaso, medyo para sa protection din nila kasi kailangan maging maingat tayo diyan. May pamilya din yan, kamag-anak. Kahit papaano ay nag-render ng service sa kapulisan,” dagdag pa niya.
Kabilang sa sinuri ng five-man advisory council ang service record ng hindi bababa sa 953 senior police officials na nagsumite ng courtesy resignation alinsunod sa panawagan ni Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos.