MATAPOS idawit sa umano’y sindikato ng mga tinaguriang “cong-tractor, binuweltahan ni Executive Secretary Ralph Recto si Batangas Rep. Leandro Leviste.
Paglalarawan ni Recto kay Leviste — “natural-born liar” at kulang sa pag-iisip.
Sa isang Facebook post, ibinisto rin ni Recto ang panunuhol ng kongresista noong nakaraang halalan.
Katunayan aniya, siya mismo ang kinausap ni Leviste para paatrasin ang katunggali sa pwesto bilang kinatawan sa Kamara ng ikalawang distrito ng lalawigan — kapalit ang P400 milyon.
Muli pa umanong naulit ang panunuhol nang lumapit ang kongresista para naman paatrasin ang asawang si Batangas Gov. Vilma Santos-Recto, kapalit ng isang bilyong piso.
Sa parehong insidente, tumanggi umano si Recto.
“Tinanggihan ko… Umiiyak ang nanay niya habang ginagawa niya ito,” anang Palace official.
“Nakakainsulto. Nakakagalit. Tanging ang respeto ko sa kanyang ina bilang dating kasamahan sa trabaho ang naging dahilan para hindi ko siya isiwalat at kasuhan,” dugtong ni Recto.
“Alam ng nanay niya na hindi ko nagustuhan ang usapang ito, kaya’t humingi ng tawad sa akin. Sa kanyang baluktot na pag-iisip, lahat ng mga bagay ay for sale: tao, dangal, posisyon,” aniya pa.
