PARA sa isang militanteng senador, lantarang pagnanakaw sa mga mamamayan ang pagbebenta ng imported na asukal sa halagang P136 kada kilo, sa kabila pa ng bagsak na presyo sa pandaigdigang merkado.
Partikular na tinarget ni Sen. Risa Hontiveros ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na aniya’y kanlungan ng katiwalian.
Paglalarawan ni Hontiveros, higit pa sa tubong-lugaw ang tubong lugaw ang pagbebenta ng asukal sa dobladong presyo dahil sa umiiral na hayagang kapalpakan at garapalang katiwalian sa naturang tanggapan.
“Sa totoo lang, naibenta na ng mga azucarera ang supply nito sa traders, at ayon kay dating SRA Administrator Rafael Coscolluela, dapat ay napababa nito ang presyo ng asukal sa P86 to P90 kada kilo.”
“At dahil pumasok na rin sa merkado ang 170,000 metric tons ng asukal ng All Asian Countertrade, Sucden Philippines at Edison Lee Marketing, kaya yang i-benta ng mababa sa P70 per kilo ng walang lugi,” paliwanag ng senador.
Tanong ng senador – “Bakit tumaas ang presyo sa halip na bumaba? Bakit may patong na P40 hanggang P60 na di maipaliwanag?
“Yan ang resulta ng patuloy na pag-corner ng tatlong importer sa suplay ng asukal sa bansa. Siguradong alam iyan ng Malakanyang, ng Department of Agriculture at ni bagong talagang Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Pablo Luis Azcona, dahil kagagawan nila ang pagbuo ng kartel na hawak ang murang supply ng asukal,” aniya.
“It appears that retailers, food producers, traders, wholesalers and the market are taking their cues from the favored importers and their irregularities. Wholesalers may be aligning their price offer with those of the cartel,” dagdag pa ng oposisyon.
Paniwala ng mambabatas, napipilitan lang kagatin ng mga retailers ang presyong dikta ng ‘sindikato’ dahil wala naman aniyang ibang pagkukunan ng supply.
“Solusyon ba ang retail price controls? Hindi yan solusyon kung hindi naman sila ang gumawa ng pambihirang patong sa presyo. Baka magresulta lang ito ng lalong pagkawala ng suplay ng asukal sa ating suking retail markets,” aniya.
Hamon ni Hontiveros, buwagin ang kartel na nagpapahirap sa mga konsyumer.
“Tandaan natin na maliban sa mga naunang imports, inobliga daw ng Sugar Order No. 6 ang tatlong importer na bumili ng 440,000 metric tons ng asukal mula sa lokal na supply. Ibig sabihin, maaaring mahawakan ng cartel ang aabot sa 880,000 metric tons ng asukal, na siguradong ibebenta ng mahal sa publiko. Kasama iyan sa pangamba ng merkado.”