HINDI hadlang ang malamig na rehas para ipagkait ang karapatan ng nasa 4,125 “bakasyonista” sa mga piitan sa iba’t-ibang panig ng bansa, ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).
Sa isang kalatas, kumpyansa ang pamunuan ng BuCor na lalahok ang libo-libong persons deprived of liberty (PDL) sa demokratikong proseso ng pagpili ng mga senador at partylist representatives pagsapit ng Lunes, Mayo 12.
Sa datos ng kawanihan, 2,135 preso mula sa New Bilibid Prison facility sa Muntinlupa City ang kwalipikado bumoto, gayundin ang 924 PDL sa Davao Prison and Penal Farm, 421 sa Leyte Regional Prison, 290 sa San Ramon Prison and Penal Farm at 140 sa Iwahig Prison and Penal Farm.
Samantala, pasok din sa inaasahang boboto sa Lunes ang 123 PDL na nakakulong sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City at 92 sa CIW-Mindanao.
Paglilinaw ng BuCor, hindi kasama sa naturang bilang ang mga nakapiit sa mga bilangguang pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
