
KUNG pagbabatayan ang dami ng reklamo laban sa public utility company na pag-aari ng mga Villar, walang dahilan ang gobyerno para hindi aksyunan ang hinaing ng mga konsyumer.
Sa regular press briefing sa Malacanang, nagpasaring laban sa Prime Water si Undersecretary Claire Castro na tumatayong Palace Press Officer, hinggil sa umano’y palpak na serbisyo ng kumpanyang pag-aari ng pamilya ng isa sa 12 pambato ng administrasyon para senador sa halalan sa Mayo 12.
Aniya, bukas ang gobyerno sa pagtanggap ng dagdag na reklamo laban sa PrimeWater na pakay ng imbestigasyon ng Local Water Utilities Administration (LWUA).
Ayon kay Castro nasa 16 million katao ang apektado ng di magandang serbisyo ng Prime Water kaya marapat lamang aniyang tumugon ang gobyerno.
Panawagan ni Castro sa mga apektadong konsyumer, hintayin ang resulta ng imbestigasyon.
“Ang estimated na sinasabing naapektuhan sa hindi magandang serbisyo ng prime water ay umabot na sa 16 million na katao so kailangan talagang mabilisan itong maaksiyonan,” saad ni Castro.
Gayunpaman, nilinaw ng Palace official na kailangan dumaan sa tinawag niyang “due process” ang kahilingan ng mga apektadong konsyumer na kanselahin ang lahat ng joint venture agreement ng Prime Water sa local water districts.
“Aalamin natin lahat kung may anomalya, kung may pagkukulang at ano pa yung dapat na ipahinto.”