MATAPOS umugong ang balita na nasa China ang wanted na Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy, nanindigan si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na nasa “tabi-tabi lang” sa isang sulok ng bansa ang puganteng lider ng sekta.
“There is always a lot of possibility na maaring kung saang parte sila ng mundo, pero sa aming nakikita sa ngayon, nandiyan lang yan. Nandito lang yan sa Pilipinas,” sambit ni Abalos sa isang pulong-balitaan sa Camp Crame.
Hindi rin pinalampas ni Abalos ang pagkakataon para manawagan kay Quiboloy na sumuko na at harapin ang mga kinakaharap na kaso.
Para kay Abalos, lubhang maliit na ang mundong ginagalawan ng religious leader dahil na rin sa P10-milyong pabuyang alok sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ng KOJC leader.
