NAGMUKHANG bagito ang mga heneral sa panlilinlang sa likod ng inilabas na certification ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sinasabing nakatanggap ng confidential funds ng Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan ni Vice President Sara Duterte bilang Kalihim. “ISA lang po ang pwedeng ma-draw as a conclusion from the testimony of Colonel Boransing – nabudol po ang AFP,” wika ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong Partikular na tinukoy ni Adiong ang salaysay ni Army Col. Manaros Boransing II sa Senate impeachment court hinggil sa paggamit ng P15.54 million, na bahagi ng P112.5 million confidential funds ng DepEd. “Nabudol ang AFP dahil hiningan sila ng certification na ang paggamit noon ay i-justify nila sa COA,” giit ni Adiong. “The certificate only proves that there was a summit that was conducted. There was such an event that happened on that particular date. It did not prove anything as to the utilization of confidential funds. It did not prove anything that the reward was made during that event,” dugtong ng Lanao del Sur solon. Sa pagsalang sa witness stand, sinabi ni Boransing na noong Enero 1, 2024 ay mayroon siyang inisyung sertipikasyon para sa walong Youth Leadership Summits (YLS) at 53 Information Education Campaign activities na isinagawa ng 1st Infantry “Tabak” Division noong 2023. Ang nasabing dokumento ay isinama ng DepEd sa sagot nito noong Abril 17, 2024 sa Audit Observation Memorandum (AOM) No. 2024-015 na inisyu ng Commission on Audit (COA) tungkol sa nasilip na paggamit ng kagawaran na P15.54 million confidential funds na umano’y pinamudmod bilang gantimpala sa mga impormante. Subalit ayon sa Army official, walang DepEd money ang nai-release o nai-download sa kanilang dibisyon para sa mga nasabing aktibidad at ang inisyu niyang sertipikasyon ay para lamang sa partisipasyon o attendance at hind para sa pag-liquidate ng nasabing pondo. Sa panig ni Tingog partylist Rep. Jude Acidre, ang hindi magkatugmang Army certification ay nagpapatunay sa maling representasyon sa pagtugon ng DepEd sa COA memorandum partikular ang pagpapaliwanag kung saan napunta ang P15.54 confidential funds. “Ang isang certificate na hindi naman ibig sabihin na nagkaroon ng direct expense ang Office of the Secretary of Education ay ginamit bilang ebidensya ng liquidation,” ani Acidre. “Mukhang nabudol ang AFP, mukhang nabudol ang taong bayan sa pagkakataong ito,” dagdag niya. Dahil sa pagkakalantad ng irregularidad, nanawagan si Acidre sa mas mahigpit na pagbusisi sa iba pang paggamit ng confidential funds. “Kung may isang instance ng misrepresentation ang tanggapan ng Secretary of Education noong panahon ni Vice President Sara Duterte sa liquidation ng confidential funds, mas lalo pang nagbibigay iyan ng maraming katanungan,” pahabol ng partylist solon. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Gadgets bawal na sa loob ng Senate impeachment court