Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MATAPOS kontrahin ni Senador Cynthia Villar ang panukalang batas na naglalayong amyendahan ang Rice Tariffication Law, umapela ang mga kongresista sa Kamara na huwag na harangin ang repormang magbibigay pakinabang sa mga magsasaka at maging sa mga maralita.
Sa isang pulong-balitaan, binigyan-diin ni Assistant Majority Leader at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing ang bentahe ng pagbabago sa RTL para ibalik sa National Food Authority (NFA) ang kapangyarihan magbenta ng bigas sa mga pamilihan.
Para kay Suansing, malaking bentahe ang amyenda lalo pa’t makakabili na ng murang bigas sa mga palengke ang mga pamilyang pasok sa kategorya ng maralita – bukod pa sa benepisyo sa mga magsasaka.
“I appeal to our friends in the Senate to please, please, please expedite the passage of this measure, of this very urgent and important measure,” bungad na pahayag ni Suansing na tumatayong vice chairperson ng Committee on Agriculture and Food at isa sa punong may-akda ng RTL amendment bill.
“Because at the end of the day po our primary objective is two-fold: one is mabigyan po natin ng access iyong mga pinakamahirap na mga pamilyang Pilipino sa mas murang bigas; at pangalawa po ay tulungan natin ang mga magsasaka na mapababa iyong cost of production nila,” dugtong niya.
Una nang naglabas ng saloobin si Villar na hayagang tumutol ibalik sa NFA ang kapangyarihan magbenta ng murang bigas sa mga pamilihan. Ang dahilan – duda ang senador sa sinceridad ng ahensya.
Sa panig ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman, sinabi niyang mismo ang mga magsasaka ang nagpahayag ng kanilang pagkontra sa kasalukuyang nilalaman ng RTL at nakiisa siya sa panawagan ni Suansing sa mga senador na kumokontra.
“Maybe our friends in the Senate would listen and I’m confident that the Chairperson at the Committee on Agriculture will find it also in her heart, nasa Senado si Chair Cynthia Villar, I know she’s a good person. She has compassion in her heart and this would be a very, very good legacy for our farmers,” ayon pa sa Bataan lawmaker.
“Kapag pinakinggan ninyo mga mahal naming mga senador ang ating mga magsasaka, maniwala kayo nagkakaisa sila sa kanilang tinig na dapat baguhin itong RTL at ginagawa na po namin ito sa House,” dugtong niya.
Ipinaliwanag naman ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, chairman ng House Committee on Agriculture and Food, sa House Bill No. 10381 (na lusot na sa 2nd reading) ang papel ng NFA ay limitado lamang sa price stabilization at supply regulation.
“The NFA can only intervene in the market during emergency situations, such as in cases where rice prices increase excessively or acute rice shortages occur. While the importation by the NFA is merely a last resort,” paliwanag ni Enverga.
Bukod dito, isinusulong din sa substitute bill ang pagpapatuloy ng Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF), na layunin solusyunan ang long-term challenges sa rice industry ng bansa.
Ani Enverga, mula sa kasalukuyang P10 billion, ang RCEF ay itataas sa P15 billion.
Sinabi rin ng House panel head na iminungkahi rin ang pagpaparehistro sa NFA ng lahat ng grain warehouses at pagkakaroon ng kapangyarihan ng NFA na magsagawa ng inspeksyon para matiyak ang pagsunod sa rice quality at supply standards.
