SA kabila ng apela, nanindigan ang Commission on Audit (COA) sa naunang pagsusuri kaugnay ng paggastos ng confidential funds na inilaan para sa Office of the Vice President (OVP).
Kalakip ng pagbasura sa hirit ng OVP sa Notice of Disallowance na inilabas ng state auditor, inatasan na rin ng nasabing ahensya ang tanggapan ni Vice President Sara Duterte na ibalik sa pamahalaan ang nasa P73.28 million na confidential fund na ginastos noong Disyembre 2022.
Personal na ipinrisinta ng isang Atty. Gloria Camora na tumayong team leader ng COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office ang Final Notice of Disallowance.
“The Commission Proper has decided already on the appeal; they affirmed our disallowance,” saad ni Camora sa pagharap sa impeachment proceedings na isinagawa ng House Committee on Justice kahapon.
Upang maging mas malinaw, hiniling ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez na basahin ng COA officer ang dispositive portion ng COA ruling patungkol sa OVP confidential fund, na kinatigan naman ng House panel.
“Wherefore, the Petition for Review, treated as appeal, of Ms. Sara Z. Duterte, Vice President; Ms. Gina Acosta, Special Disbursing Officer, and Ms. Julieta L. Villadelrey, Chief Accountant, Office of the Vice President, are hereby denied. Accordingly, Notice of Disallowance No. 2024-002-100 dated August 8, 2024, on the confidential expenses of the OVP for the period from December 21 to 31, 2022, in the amount of P73,287,000.00, is affirmed.”
Ang kautusan na may petsang Abril 10, 2026 ay pirmado nina COA Chairperson Gamaliel Cordoba, Commissioners Mario Lipana at Douglas Mallillin.
Nabatid na ang halagang hindi kinatigan ng COA sa aspeto ng tamang paggamit ay bahagi ng P125 million confidential na una nang iniulat na naubos sa loob lang ng 11 araw noong Disyembre 2022.
Meron din aniyang bukod na notices of disallowance na inisyu laban sa OVP sa paggamit ng confidential funds para sa first, second, at third quarters ng 2023 na aabot sa halagang P375 million.
Para naman kay Manila Rep. Joel Chua, malinaw na mayroong malaking pagkukulang si ang pangalawang pangulo sa tamang paghawak ng pampublikong pondo.
“Hindi po baryang sukli ang ipinapabalik ng COA. Milyones po ito na pwede sanang nagamit pang-ayuda sa ating jeepney drivers at mga kababayang nahihirapan ngayon dahil sa oil crisis,” pahayag pa niya.
“Sa panahon ng taas presyo at hirap ng ordinaryong pamilya, ang P73.287 million ay hindi maliit na usapin. Pera ito ng taumbayan. Kapag sinabi ng COA na dapat itong isauli, hindi pwedeng mag kunwaring administrative detail lang ito,” dagdag ni Chua.
“Kapag umabot na sa notice of disallowance at na-affirm pa ng COA, ibig sabihin niyan hindi napangatuwiranan nang maayos ang paggamit ng pondo sa ilalim ng umiiral na mga patakaran. Hindi ito haka-haka. Hindi ito tsismis. Ito ay pormal na finding ng isang constitutional body na nagbabantay sa kaban ng bayan.”
Bagamat pwede pa naman anoiyang dumolog sa Korte Suprema ang OVP, binigyan-diin ni Chua na hindi maaaring isantabi ang COA ruling partikular ang pagpapabalik sa milyones na pondo dahil hindi nasunod ang patakaran sa tamang paggamit nito.
“Mas mabigat po ang larawan kapag hindi lang isang quarter ang may problema, kung may affirmed disallowance ka na sa 2022 at may tatlo pang notices of disallowance sa 2023, malinaw na hindi ito isolated incident. May pattern na kailangan sagutin, at kailangang seryosohin,” punto ni Chua.
“For every peso collected from taxpayers, the government owes the public honesty, discipline, and proof. Sa usaping ito, ang taumbayan ay may karapatang magtanong. At ang mga may hawak ng pondo ay may obligasyong sumagot.”
