PARA sa isang prominenteng kongresista, higit na angkop magpaliwanag si Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng Kamara imbes na sa presscon magpabida.
“Mas magandang sa House impeachment hearings niya banggitin ang mga kontra pahayag niya, imbes na sa mga press statement at sa mga press conference ng kanyang mga abogado,” pasaring ni House Committee on Public Accounts Chair at Bicol Saro Rep. Terry Ridon kay VP Sara bilang reaksyon sa pahayag na inilabas ng kampo ng pangalawang pangulo hinggil sa pasabog ng nagpakilalang bagman na si Ramil Madriaga.
“Muli, nagpapatuloy ang karapatan ng Pangalawang Pangulo na dumalo sa mga pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment proceedings laban sa kanya upang makapaglahad ng kanyang mga ebidensya sa lahat ng mga paratang sa kanya,” bungad ni Ridon.
Ayon sa Bicol Saro partylist congressman, mainam na harapang sagutin ng bise-presidente ang mga nag-aakusa sa bawat clarificatory hearings na gagawin kung saan masusing sinusunod ang tamang proseso ng pagbibigay ng salaysay o testimonya at paghahain ng mga ebidensya.
“The impeachment process offers Duterte not just a platform for defense, but a venue where her counter-evidence can be weighed alongside the allegations—under the rules set by the Constitution and the House,” dagdag ni Ridon.
Una nang ibinulgar ni Madriaga ang paghingi umano ng tulong ni Sara sa ilang naging propesor para makapasa sa law school.
Tinukoy ni Madriaga si Assistant Special Prosecutor Ryan Rey Quilala, ng Office of the Ombudsman, na siyang umalalay sa bise-presidente sa San Sebastian College of Law.
“He (Quilala) shared with me that Sara was not particularly good in school, was often struggling with her academics, and habitually rude and violent to other students. Hence, Atty. Ryan used his influence in SSC-Law to ensure that Sara received passing grades despite her poor academic performance,” anang resource person.
Gayunpaman, umalma ang bise-presidente at nanindigan na pinag sumikapan umano niya ang makapagtapos ng abogasya, sabay bwelta kay Madriaga na tinawag niyang “bar flunker at kidnapping suspect.”
