NAGDESISYON ang mga lider ng ilang sektoral na organisasyon, pawang kaanib sa Political Officers League of the Philippines (POLPhil), na suportahan ang partidong nauugnay sa yumaong Fernando Poe Jr., nas mas kilala sa tawag na “Da King.”
Partikular na tinukoy ng POLPhil ang FPJ Panday Bayanihan Partylist na itinaguyod ng Brian Poe Llamanzares na apo ng yumaong hari ng pelikulang Pilipino, kasama ang inang si Senador Grace Poe.
Matatandaan na puspusang nangampanya ang mag-ina para kay FPJ sa posisyon ng Pangulo noong 2004 elections.
Ipinahayag ng bawat pinuno ng kabataan, solo parents, magsasaka, kababaihan, community at senior citizens group ang nagkakaisang sentimyento sa dinaluhang pulong-balitaan na pinangunahan ng POLPhil sa Quezon City kamakailan.
Ayon kay Rico Cajife, POLPhil, Sogod Southern Leyte, lubos silang nagagalak na hindi nalalayo sa adbokasiya ng POLPhil ang isinusulong na programa ng FPJ Panday Bayanihan para makamit ang food security, maiahon sa kahirapan ang dustang sitwasyon ng marginalized sector at mabigyan ng hustisya ang lahat, hindi ang iilan.
Ang POLPhil ay matagal nang naghahanap ng mga kampeon, “partikular sa hanay ng mga kabataang may kakayahang gumawa ng mga pagbabago na tutulong sa pagpapabuti ng kalagayan ng maralitang Pilipinong patuloy na nagdurusa,” saad ni Cajife.
Taglay ang diwa ng “Bayanihan Spirit,” target ng FPJ Panday Bayanihan ang kolektibong pagkilos sa paghulma ng isang maunlad na bansa, pagsusulong ng proteksyon at kapakanan ng mga maralita.
“Bukal na hangarin paglingkuran ang batayan ng masa para makamtan ang sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat, kaunlaran at katarungan hindi lang sa may pera kundi maging sa hanay ng mga maralita,” saad sa pagsusuri ng POLPhil.
Paglalahad ng POLPHil ang kahandaan bumuo ng alyansa at suportahan ang FPJ Panday Bayanihan Partylist para isulong sa Kongreso ang mga makabuluhang batas na tutugon at magtatanggol sa kapakanan ng masa.
Ayon naman kay Alvin Acebuche na kumakatawan sa hanay ng mga mag-aaral, layunin na isagawa ang isang dayalogo at sa huli ay makipag-alyansa sa FPJ Panday Bayanihan Partylist, na inorganisa at napipisil na first nominee na si Dr. Brian Poe Llamanzares, upang katuwang na maisakatuparan at maihain sa Kongreso ang isang batas na tutugon sa mga pangunahing suliranin na kinakaharap ng sektor ng kabataan at estudyante.
Ayon kay Acebuche, napapanahon nang tuldukan ang mga problemang kinakaharap ng mga kabataan – kakulangan ng kalidad ng edukasyon, kakulangan sa badyet ng gobyerno at ang paglobo ng bilang ng mga out-of-school-youth dahil sa pinalawig na pag-aaral pagkatapos ng junior high school.
