WALANG plano si Manila Economic and Cultural Office (MECO) chief Silvestre Bello III na bakantehin ang hawak na pwesto sa gitna ng pahayag ng Palasyo hinggil sa pagtatalaga kay former Press Secretary Cheloy Garafil bilang bagong kinatawan ng bansa sa Taiwan.
Katwiran ni Bello – hindi naman aniya siya sinibak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Nabalitaan ko nga pero wala pa kasing utos ng Pangulo. Hinihintay ko pa nga,” wika ni Bello sa isang panayam sa radyo.
Sa isang pahayag na inilabas noong ika-5 ng Setyembre, sinabi ng bagong hirang na Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez na itatalaga ni Marcos si Garafil sa MECO kapalit si Bello na di umano’y ililipat sa ibang ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Bello, wala naman di umanong inalok na pwesto sa kanya ang Pangulo.
Mandato ng MECO magsilbing tulay sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan bunsod ng umiiral na ‘One-China’ policy ng bansa. Trabaho ng MECO ay katulad ng Philippine foreign missions pero non-political, non-security nature subalit may consular function.
Minsan na rin nagsilbi bilang Labor Secretary si Bello sa administrasyon ng yumaong Corazon Aquino, Solicitor-General sa administrasyon ng yumaong Fidel Ramos at balik DOLE sa ilalim ng termino ni former President Rodrigo Duterte.
