KUMBINSIDO ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na isang espiya ang nadakip na Chinese national matapos manutok ng baril sa Makati City noong Mayo 29.
Ayon Col. Joel Sta. Ana ng CIDG-National Capital Region, pawang high-tech at military-grade ang mga nasamsam na gamit mula sa isang Yuhang Liu na nagpakilalang empleyado ng isang POGO hub sa Metro Manila.
Bagamat una nang inakalang pinagkakakitaan lang ni Yuhang ang hacking ng mga websites, lumalabas sa imbestigasyon na higit pa sa unang pagtataya ang lawak at lalim ng operasyon ng nasabing Chinese national.
Gayunpaman, nilinaw ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Colonel Francel Padilla na patuloy pa ang imbestigasyon kay Yuhang.
“Ang sabi natin, he is in possession of unauthorized firearms and also equipment potentially linking to communications hacking,” ani Padilla.
Aminado naman ang tagapagsalita ng AFP na lubhang sensitibo ang usaping kinasasangkutan ng Chinese national, kasabay ng pahayag na patuloy ang ugnayan sa pagitan ng AFP at PNP para alamin ang katotohanan sa likod ng pagkatao ni Yuhang.
Kabilang sa mga nasamsam ng pulisya mula sa lugar kung saan inaresto ang suspek ay ang iba’t ibang kagamitan, isang equipment set na may circuit board, isang portable power station, isang military-grade drone, isang high-powered firearm at isang bundle ng P1,000 bills.
“Meron naman tayong mga agency at mga unit na in-charge tungkol dito. They are also equipped with the necessary equipment to test and check on these equipment. Tignan natin kung ano ang kalalabasan,” wika ni Padilla.
Panawagan ng tagapagsalita ng AFP, maging alerto at ipabatid agad sa pamahalaan ang anumang kahina-hinalang sa paligid.
Sa panig ng CIDG, nilinaw ni Maj. Gen. Leo Francisco na ipinasa na sa PNP Foreign Liaison ang lahat ng kaukulang report sa kaso ni Yuhang. Aniya, tanging ang PNP Foreign Liaison lang ang pwede makipag-ugnayan sa Chinese Embassy hinggil sa nasakoteng espiya.
