MATAPOS ang sunod-sunod na insidente ng pambabarako ng China sa West Philippine Sea, tiniyak ng Department of National Defense (DND) na gagawa ng paraan ang gobyerno sa hangaring pigilan – kung hindi man harangin ang armadong pag-atake ng China sa karagatang pasok sa sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Para kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., kasuklam-suklam ang serye ng buwis-buhay na pambabarako ng China sa mga barko at eroplanong tanging pakay sa West Philippine Sea ay protektahan ang soberanya ng bansang Pilipinas.
Kinondena rin ni Teodoro ang pagtikad ng walong Chinese Coast Guard sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong Linggo malapit sa Escoda Shoal. Kinastigo rin ng Kalihim ang tila sinasadyang pagbangga sa maliit sa sasakyang dagat na gamit ng BFAR sa pgpapatrolya.
Batay sa ulat ng BFAR, limang ulit inuntog ng Chinese Coast Guard ang sasakyang dagat ng kawanihan – bukod pa sa pambobomba ng tubig at tangkang pagsira sa navigational equipment ng barko ng Pilipinas.
“Let us deter an armed attack. That is the more important thing, that is what I am focused on doing, everybody is too focused on armed attack. Let’s make ourselves strong enough so that that does not happen,” ani Teodoro.
Pag-amin ng Kalihim, hindi na bago sa Pilipinas ang kalupitan ng China lalo pa’t hindi naman kinikilala ng naturang bansa ang tinaguriang “territorial rights” ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
“We have to expect these kinds of behavior from China because this is a struggle, we have to be ready to anticipate and to get used to these kinds of acts of China which are… paulit-ulit na nating sinasabing illegal pero wala silang pakialam,” pagtatapos ni Teodoro.
