BONGGANG anomalya sa likod ng P1.4-billion land acquisition deal ang dahilan ng pagsibak sa pwesto kay former Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnell Ignacio.
Sa isang pulong-balitaan sa Quezon City, ibinahagi ni Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Patricia Yvonne Caunan ang isinasagawang imbestigasyon sa umano’y sabwatan sa likod ng nabistong katiwalian.
Gayunpaman, nilinaw ni Caunan na pumalit kay Ignacio bilang OWWA administrator, hahayaan niyang gumulong ang proseso para panagutin kung sino man ang nagkasala.
“As the new administrator of OWWA, we will perform the necessary audit, we will seek the required legal opinion from the Department of Justice and we will engage with the Commission on Audit,” pahayag ng bagong OWWA chief.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa biniling lupa malapit sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan target itayo ang isang halfway house o dormitory-type accommodation para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Ang nasabing kasunduan ay pinasok noong Setyembre 2024.
Base aniya sa batas na lumikha ng OWWA, ang pagbili ng real property ay dapat aprubahan ng Board of Trustees ng OWWA at Chairman of the Board (DMW Secretary), at ang Vice Chairperson (OWWA Administrator)
Samantala, tiniyak ni Caunan na hindi naman nagalaw ang pondo ng OWWA na mula sa kontribusyon ng mga miyembro ng OFWs, seafarers at mga employers.
Sa ilalim ng 2025 budget, tumataginting na P3.409 bilyon ang inilaan ng Kongreso sa OWWA, alinsunod sa General Appropriations Act — bukod pa sa P2.973 bilyong pondo ng ahensya.
