UMAASA ang Senate Impeachment Court na mas magiging mabilis ang paglilitis sa grave threat at inciting to sedition na nakapaloob sa Article 4 na inihain ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Pinasalamatan din nina Senate President Sherwin Gatchalian at presiding officer Sen. Francis Escudero ang desisyon ng House prosecution panel na bawasan ang mga ebidensyang ipiprisinta sa unang yugto ng reklamo kontra pangalawang pangulo.
Partikular na ikinalugod nina Gatchalian at Escudero ang manifestation ng prosekusyon, sa pamamagitan ni private counsel Lorna Kapunan, na hindi na nito ipatatawag bilang mga saksi sina Atty. Zuleika Lopez, long-time aide ni Duterte at Belinda Bello ng House of Representatives-Legislative Security Bureau.
Bilang tugon, sinabi ni Gatchalian na base sa pre-trial submissions ng dalawang panig, nasa 102 ang kabuuang bilang ng witnesses, 57 para sa prosecution at 45 naman sa defense.
“At the rate we are going – two witnesses per day – we will finish in 17 months. That’s a year-and-a-half or a year and five months to be exact. So any chance of shortening the proceedings will be highly appreciated,” ayon kay Gatchalian.
“The presiding officer also thanks the counsel for prosecutors,” pahayag naman ni Escudero.
Ipinabatid ni Kapunan sa impeachment court na ang testimonya nina Lopez at Bello ay makakapag patibay sa salaysay nina National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung at Regional Director Jeremy Lotoc.
Gayunpaman, kumbinsido ang prosesukyon na sapat na ang mga inilahad ng dalawang NBI officials kaugnay sa inihaing kaso na culpable violation of the Constitution, high crimes, at betrayal of public trust bunsod pagbabanta ni Duterte sa First Couple at sa dating lider ng Kamara.
Nakatakda namang iharap ng panig ng tagausig sa paglilitis si NBI Director Melvin Matibag sa Lunes, Hulyo 19.
