PARA sa lupon ng tagausig, malaki ang papel ni chief defense counsel Michael Poa sa umano’y irregularidad sa paggamit ng confidential funds na inilaan sa Department of Education (DepEd), sa panahon ng panunungkulan ni Vice President Sara Duterte bilang Kalihim ng ahensya.

Sa isang kalatas, tiniyak ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V ang kahandaan ng House prosecution panel sa pagsalang sa “witness stand” ng tinawag niyang “central figure” sa paglilitis sa pangalawang pangulo.

Ayon kay Ortega, ang testimonya ni Poa ay makakatulong para masagot ang mga naiwang katanungan sa 2024 House Committee on Good Government and Public Accountability inquiry hinggil sa sinasabing maling paggamit ng bise presidente sa P612.5 million confidential funds.

“Central figure po kasi siya, eh. So hostile witness man si Atty. Poa o hindi, I believe he’s one of the central figures po sa impeachment na ito at dito po sa article na ito,” wika ni  Ortega.

Si Poa ay nagsilbing DepEd undersecretary, chief of staff at spokesperson ng DepEd sa panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang kalihim ng kagawaran.

Nakatakdang iprisinta ngayong linggo ng mga tagausig si Poa bilang “hostile witness.” 

Pag-amin ni Ortega, pinaghahandaan ng prosekusyon ang posibilidad na gamitin ng former DepEd official ang ‘lawyer-client privilege’ upang makaiwas sa mga mabibigat na tanong.

“Kung hiningi ng prosecutors o ng prosecution team na maging parte po siya sa roster of witnesses, kahit na hostile witness po siya, ibig sabihin nakahanda po yung team para po sa kahit anong bagay na kanyang maaaring sabihin or i-invoke, or ultimately kung strategy man nila ’yon,” anang ranking House official.

Samantala, iginiit ni Ortega na ang impeachment court ang “proper forum” para bigyang-linaw ang mga nabiting usapin sa nasabing House probe.

Partikular na tinukoy ng kongresista ang pagbabahagi ni Poa sa kanyang nalalaman kung bakit buong ipinagkatiwala kay former Office of the Vice President (OVP) security head, Col. Raymund Dante Lachica ang confidential.

“Sa tingin ko, at the end of the day, mas marami pong information na alam si Atty. Poa kaysa po kay Lachica,” pahabol ng mambabatas. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *