WALA munang magaganap na rigodon sa hanay ng mga opisyales ng Philippine National Police (PNP). Ang itinuturong dahilan — ang kontrobersyal na resolusyon na inilabas ng National Police Commission (Napolcom).
Sa isang panayam, inamin ni Major Gen. Constancio Chinayog Jr., na tumatayong hepe ng PNP Personnel and Records Management, na wala pang inilabas na bagong direktibang pagbalasa si PNP Chief Gen. Nicolas Torre III.
Sa ngayon, nananatiling tikom ang tanggapan ni Torre kaugnay ng nasabing resolusyon, gayundin si PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo.
Dahil dito, mananatili pa rin bilang Area Police Commander ng Western Mindanao si Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., gayundin si Lt. Gen. Bernard Banac bilang no. 2 man ng PNP, maging ang 11 iba pang opisyal.
Una nang pinawalang-bisa ng Napolcom ang balasahan sa ilang PNP officials kabilang si Nartatez na kilalang malapit kay First Lady Liza Araneta-Marcos.
Nagpahayag naman ng pangamba ang ilang matataas na opisyal ng PNP hinggil sa inilabas na resolusyon ng Napolcom na posible umanong maglagay sa hanay ng PNP sa balag ng alanganin.
Inaasahan naman mamamagitan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa namumuong hidwaan sa pagitan ng PNP at Napolcom. (EDWIN MORENO)
