
DISKUMPYADO ang Department of Justice (DOJ) sa bagong paramdam ng pagsuko ng nagtatagong heneral na pangunahing suspek sa likod ng pamamaslang sa isang beteranong mamamahayag pitong buwan na ang nakalipas.
Pag-amin ng Justice Secretary Crispin Remulla, muling nagpadala ng ‘surrender feeler si dating Bureau of Correction chief Gen. Gerald Bantag.
Gayunpaman, hindi kumbinsido si Remulla.
“There were two feelers sent. One through a Cabinet official and another through one of my friends but it looks like they’re not really serious in surrendering,” ani Remulla sa mga mamamahayag.
Buwan ng Abril nang unang nagpahiwatig ng pagsuko sa Bantag na target ng manhunt operation sa bisa ng dalawang warrant of arrest na inilabas ng Muntinlupa at Las Pinas regional trial court.
Paniwala ng Kalihim, natatakot sina Bantag at dating deputy security officer Ricardo Zulueta sa lugar kung saan sila ikukulong sa sandaling sumuko sa pamahalaan.
“One of the topics being discussed was the place of detention. But we’re amenable to special arrangements to DG (director general) Bantag and Mr. Zulueta if that is a problem to them,” ayon sa DOJ chief.
Si Bantag ang itinuturong utak sa pagpatay kay radio commentator Percy Mabasa Lapid at presong Jun Villamor na di umano’y tumayong kasador sa pamamaslang sa mamamahayag.
Pagtitiyak ni Remulla, hindi dadalhin sina Bantag at Zulueta sa New Bilibid Prisons, at sa halip ay ipipiit sa pasilidad sa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).