
MABILIS na bumababa ang water level sa limang pangunahing dam na pinag-iimbakan ng tubig na sinusuplay sa mga negosyo, sakahan at tahanan,
Kabilang sa mga tinukoy ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga dam sa Angat at Ipo sa Bulacan, La Mesa sa Quezon City, San Roque sa Cordillera, at Caliraya sa Laguna.
Batay sa datos ng PAGASA, nasa 193.72 meters na lang ang water level sa Angat Dam – 0.18 metro mas mababa kumpara sa 193.90-meter level na naitala noong Lunes.
Sa Angat Dam nagmumula ang 90% ng tubig na pangangailan sa Metro Manila. Sa Angat din nanggagaling ang tubig na kailangan sa irigasyon ng hindi bababa sa 28,000 ektaryang sakahan sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga.
Ayon sa PAGASA, 210 meters ang normal level ng Angat Dam.
Bahagyang bumaba rin ang water level sa Ipo Dam, na nasa 98.89 meters na lang – malayo sa 101 meters na normal level ng naturang imbakan.
Mula sa 76.88 meters na naitala noong Lunes, bumaba ng 0.03 meters ang water level as La Mesa Dam.
Nasa 0.40 meters naman ang nabawas sa water level ng San Roque Dam na meron na lang water elevation na 231.92 meters – malayo sa 237.23 meters na kailangan para paasgusin ang tubig sa mga sunisuplayang lalawigan.
Maging ang Caliraya, nakapagtala ng mas mababang water level – 286.89 meters, 0.41 metrong mas mababa kumpara sa 287.30-m level na naitala noong Lunes.
Kabilang rin sa nakitaan ng pagnipis ng supply ang Ambuklao Dam sa Benguet at Magat Dam sa Isabela.
Sa pag-aaral ng PAGASA, malaking epekto sa mabilis na pagbaba ng water level sa mga nabanggit na daan ang matinding init na dulot ng El Nino.