
Ulat nina ESTONG REYES at ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINDI man hayagan, pinaalalahanan ni Senador Ronald dela Rosa si Antipolo City Rep. Romeo Acop na hindi angkop ang palitan ng patutsada sa kanilang dalawa lalo pa’t kapwa sila pulis bago pa man naging mambabatas.
Tugon ni dela Rosa sa pasaring ni Acop sa kanyang di umano’y “pagtatago sa saya ni VP Sara,” kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon ng Kamara sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon, kapwa sila nagmula sa sa Philippine Military Academy (PMA) bukod pa sa magkabaro sa pambansang pulisya.
Una nang hinamon ni Acop si dela Rosa harapin ang mga alegasyon sa pabuyang ipinamamahagi ng Philippine National Police (PNP) sa mga operatiba sa kada ulo ng drug suspect na itinumba.
Para kay Acop, hindi angkop magtago sa likod ni Vice President Sara Duterte si dela Rosa na aniya’y obligado humarap sa kabi-kabilang alegasyon.
“There’s no demolition job here — only legitimate questions that need clear answers. Sen. Dela Rosa should be man enough to face the facts and take responsibility, instead of hiding behind VP Sara’s skirt,” patutsada ni Acop sa dating kabaro.
Paglilinaw ni Acop, layunin ng quad committee alamin ang katotohanan sa likod ng mga extrajudicial killings na bahagi ng extrajudicial killings, illegal POGO operation at kalakalan ng droga sa nakalipas na administrasyon.
Itinanggi rin ng kongresista mula sa Antipolo ang di umano’y pamumulitika sa isinagawang pagdinig at salaysay ng mga resource persons kabilang si former Iloilo City Mayor Jed Mabilog.
“Former Mayor Mabilog’s testimony is crucial. Our goal is to craft laws that will put an end to these crimes—not to play political games,” giit ni Acop bilang reaksyon sa pasaring ni Dela Rosa na nagsabing bahagi ng “demolition job” laban sa Vice President Sara Duterte ang testimonya ni Mabilog .
Sa sinumpaang salaysay ni Mabilog, isiniwalat ng dating alkalde ang pambabarako sa kanya at pananakot sa pamilya ng nagdaang administrasyon para isangkot sina dating Senador Franklin Drilon at Mar Roxas sa kalakalan ng droga sa bansa.
“My response to Cong Acop: You and I were both raised by the same academy. You and I both served the same branch of service. All I can say sir is: I am alright sir!” saad sa isang pahayag ni dela Rosa na nagsilbing hepe ng pambansang pulisya sa ilalim ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.
“I did not hide behind the skirt of my mother when I fought the terrorists and the insurgents with bullets flying all over, then why should I hide from somebody’s skirt now knowing that your words can not kill me?” dugtong ni Dela Rosa.
Kamakailan lang nang pinahagingan ni Acop si Dela Rosa na sagutin na lamang ang akusasyon laban sa kanya kaugnay ng kanyang papel sa madugong war on drugs ng nagdaang administrasyong Duterte.
“Sen. Dela Rosa should be man enough to face the facts and take responsibility, instead of hiding behind VP Sara’s skirt,” wika ni Acop kasabay ng pagtanggi na isang demolition job ang ikinasa bunsod ng nalalapit na halalan.