MULA sa dating estratehiyang tikom, nagbago ng taktika ang bruskong si Congressman Pulong. Sa kanyang liham sa Kamara, nais na daw niyang sumali sa quad comm inquiry para magtanong.
Pero teka, parang may mali. Hindi ba dapat siya ang isalang sa pagdinig para tanungin lalo pa’t kasama siya sa mga tinukoy na sangkot sa P6-billion drug smuggling sa Manila International Container Port noong 2018?
Hindi madaling mawala sa isipan ng mga Pilipino ang pasabog ni former Customs intelligence officer Jimmy Guban kamakailan. Hindi rin biro ang alegasyon hinggil sa eskandalong naganap sa termino ng amang dating Pangulo.
Bukod kay Pulong, kabilang rin sa mga tinukoy na miyembro ng drug smuggling syndicate sina Atty. Mans Carpio na asawa ni Vice President Sara Duterte, at ang punong kapural na si former Presidential Adviser Michael Yang – isang Chinese national, na sponsor sa kampanya ni Digong.
Pagkatapos sumingaw ang bulilyaso, todo-tanggi si Pulong, kasabay ng giit na hindi niya kilala si Guban. Sa isang banda, pwede naman di talaga niya kilala dahil si Guban dahil sa isang hamak na kawani hindi naman talaga siya mahilig makipagkaibigan.
Ayon kay Pulong, hindi dapat seryosohin ang tulad ni Guban dahil sa aniya’y bahid sa kredibilidad matapos ipakulong ng senadong noo’y kontrolado ng mga alipores ni Digong.
Fast forward tayo. Nang bumaba sa pwesto si Digong, nagkaroon ng lakas ng loob ang mga taong kinasangkapan at isinakripisyo ng sindikatong di umano’y kinabibilangan ni Yang, Mans at Pulong. May plus two pa – dalawang pera-distang sinibak sa pwesto ng kasalukuyang administrasyon.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad committee ng Kamara, pinagbigyan ang hirit ni Pulong – pero hindi para magtanong sa mga resource persons kundi para sagutin ang tanong ng mga kapwa kongresista.
Sa paanyaya ng quad comm na inatasan magsagawa ng imbestigasyon sa madugong giyera kontra droga, illegal Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) at extrajudicial killings sa anim na taong termino ni Digong, tila mahihirapan umiwas si Pulong. Dangan naman kasi, dindi na uubra bungangang tikom.
Hindi rin kakagatin ng Pinoy abangers ang “political harassment” na alibi ni VP Sara matapos makaladkad ang pangalan ng kanyang abogadong asawa.
Isa lang ang sigurado – walang dahilan umiwas o magtapos sa pagdinig si Pulong at iba pang pinukol ng alegasyon.
Sa isang sibilisadong lipunan, nananatiling inosente ang akusado maliban na lamang kung napatunayang nagkasala. Kung ang giit nila’t wala silang ginawang kasalanan, wala silang dapat iwasan.
