“WALA yan. If ever mag-prosper yung kaso na yan sa prosecution, kayang-kaya naman yan ni Pangulong Duterte harapin. Wala yan. Non-issue yan.”
Ito ng mariing tugon ni reelectionist Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa ginawang paghahain ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay former President Rodrigo Duterte hinggil sa naging “kill” at “bomb” remarks ng huli.
Para kay dela Rosa, nakapagtataka aniya kung bakit kailangan pa ng kasong kriminal ang PNP-CIDG gayung wala naman umanong tumatayong complainant sa asunto.
“I don’t know why. Meron bang nag-complain na papatayin siya? Wala naman siguro. At kusang loob lang, parang motu proprio nagpa-file ng kaso sa CIDG ng kaso laban sa kanya. So that’s something to think about, ‘di ba?”
“Usually, yung ganung mga krimen o yung mga ganyang kaso, may mga complainant talaga, ‘di ba? The complainant should be a private complainant lalong-lalo na kung grave threats yan or what. But then there’s nobody complaining na out of the blue, CIDG is filing its case against the former President,” bulalas ni dela Rosa na nagsilbing hepe ng pambansang pulisya bagong pumalaot sa pulitika.
“If they (CIDG) feel na that’s their duty, then do it. They have to do it,” dugtong niya.
Binigyan-diin ng Mindanaoan lawmaker na kabilang sa mga pambato ng Partido ng Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa senatorial race sa Mayo, walang anumang masamang balak si Duterte at mapagbiro lamang talaga ang dating presidente.
“Kilala naman niyo si Pangulong Duterte kung paano yan magsalita, magbiro. Kung may balak siyang patayin, eh di… Bakit sasabihin pa niya on national TV? Patayin? Very clear na nagbibiro lang, nagpapatawa lang yung tao. Ang problema diyan, walang 15 senators na nasaktan, ang nasaktan ang CIDG,” anang reelectionist senator.
Maging ang iba pang senador, kabilang si Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada ay nagsasabing hindi dapat seryosohin ang nasabing ‘kill joke’ ni Duterte.
“Mapagbiro lang talaga si PRRD,” ayon pa kay Estrada.
