Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KUNG may dapat managot sa libo-libong pinaslang sa likod ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon, iyon ay walang iba kundi si Senador Ronald dela Rosa.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad comm sa kaugnayan ng kalakalan ng droga, illegal POGO at extrajudicial killing sa ilalim ng nakalipas na administrasyon, partikular na tinukoy ni Col. Jovie Espenido ang dating Philippine National Police (PNP) chief na di umano’y protektor ng mga sindikato sa likod ng droga.
Katunayan aniya, may mga ebidensyang nakalap ang kanyang grupo mula mismo sa accountant ng pinaslang na Ozamiz Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog. Sa naturang ebidensya aniya nakatala ang mga heneral na patong sa sindikato ni Parojinog.
Bukod aniya sa sindikato ng pamilya Parojinog, kasama din sa mga protektado ng PNP na noo’y pinamumunuan ni dela Rosa ang grupo ni Kerwin Espinosa.
Aniya, si dela Rosa din umano ang gumapang para madismiss ang mga kasong isinampa laban kay Kerwin Espinosa kapalit aniya ang malaking halaga ng pera kada buwan.
