
DOBLE-INGAT ang panawagan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko sa gitna ng mas mataas na insidente ng sunog lalo pa’t hindi pangkaraniwan ang antas ng init ng panahon sa iba’t ibang panig ng bansa.
Batay sa datos ng BFP, pumalo na sa 1,332 ang naitalang insidente ng sunog mula Abril 1 hanggang 26 ngayong taon – malayo sa 953 na insidenteng naganap sa parehong panahon noong Abril ng nakalipas na taon.
Sa pagtataya ng Department of Interior and Local Government (DILG), mas mataas ng 40% ang bilang ng mga insidente ng sunog na naitala ng BFP sa loob lamang ng 26 na araw.
Sa pag-aaral ng BFP, karaniwang sanhi ng sunog ang pagtaas ng demand sa kuryente sa tuwing sasapit ang tag-init. Ayon pa sa nasabing kawanihan, hindi na kinakaya ng mga palyadong linya ng kuryente ang bigat ng konsumo sa mga tahanan at mga establisyemento.
Kabilang rin sa posible animang nagsisilbing mitsa ang mga tuyong dahon at basurang agad lumilikha ng apoy sa sandaling mahagisan ng upos ng sigarilyo, mga jumper, napabayaang appliances at iba pa.
Kaugnay nito, hinimok ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang mga local government units (LGUs) na magsagawa ng inspeksyon at makipag-ugnayan sa mga lokal na tanggapan ng BFP upang matiyak ang tamang pagsunod ng mga establisimyento sa mga panuntunan ng Republic Act 9514 (Fire Code of the Philippines).
Dagdag pa ng Kalihim, ang mga simpleng fire safety protocol tulad ng paghugot ng plug ng mga appliances na hindi ginagamit; hindi pag-iiwan ng bukas na kalan; regular na pagsusuri sa tangke ng liquefied petroleum gas (LPG); at pag-iimbak ng mga bagay na madaling masunog sa ligtas na lugar sa loob ng tahanan o tanggapan, ay ilan lamang sa mabisang paraan upang mapanatiling ligtas kontra sunog ang mga tahanan.