PARA sa Department of Interior and Local Government (DILG), higit na mabisang panlaban kontra droga ang pagbabantay sa anak ng kanilang mga magulang.
Kasabay ng paglulunsad ng programang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) sa Kalibo (Aklan), nanawagan si Interior and Local Government Benhur Abalos sa ama’t iba ng mga kabataan – itaguyod ang magandang relasyon sa mga supling kasabay ng pagiging mapanuri sa kapaligirang ginagalawan.
Ayon kay Abalos, mas madaling mapagwawagian ng pamahalaan ang giyera kontra droga kung sa loob pa lang ng pamilya, nailalayo na ang kanser sa lipunan.
“Teach our children to say no to drugs,” pahayag ni Abalos.
Tinalakay rin ni Abalos sa kanyang mensahe ang pagbabago, repormasyon at pag-unlad ng kabataan, sa pormal na paglulunsad ng naturang programa sa lalawigan ng Aklan.
Kasabay nito, pinaalalahanan rin niya ang mga magulang na gawin ang makakaya upang mahubog ang mga kabataan tungo sa tamang landas at malayo sa iligal na droga.
“Walang tao ang walang problema, pero wala ring problema ang walang solusyon. What is important is how you handle a problem. It is what makes you a leader. Iyan ang kailangan natin sa bata, the confidence to say no to illegal drugs.” giit ng kalihim.
Katuwang ng DILG sa pagsusulong ng programang BIDA ang mga lokal na pamahalaan, Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).