PUSPUSAN ang paghahanda ng Quezon City Police District (QCPD) sa kasong isasampa laban sa tatlong dayuhang itinuturong nasa likod ng ‘video documentary’ kung saan pinalabas na nakakikilabot na lugar ang isang barangay ng Quezon City.
Itinanggi rin ni QCPD Director Brig. Gen. Nicolas Torres na pinaglulunggaan ng mga kriminal ang Barangay Quirino 2-A na ilang metro lang ang layo sa punong himpilan ng QCPD sa Kampo Karingal.
Ayon kay Torre, desidido ang QCPD na panagutin sa ilalim ng umiiral na batas sa bansa ang tatlong German nationals na di umano’y producer ng video documentary na pinamagatang “No-Go Zones, Philippine Gangs.”
Hayagan din sinabi ni Torre na pawang kasinungalingan ang laman ng “No Go Zones, Philippine Gangs” na isinapelikula noong 2018, ni-release sa digital movie platform noong Nobyembre 2019 at inilabas ulit sa Facebook noon lamang nakaraang linggo.
Bagamat hindi na nagbigay ng detalye si Torre hinggil sa pagkakakilanlan ng tatlong German national at kung ano ang mga isasampang kaso, tiniyak naman ng heneral na may mga nagpahayag ng kahandaan tulungan ang pulisya na matunton ang kinaroroonan ng mga nasa likod ng mapanlinlang na dokumentaryo.
Sa datos ng Facebook, pumalo na sa 2.9 views ang dokumentaryong ini-release di umano ng Amazon Prime Video.
“The documentary, which supposedly featured a lawless community in Barangay 2A in Quezon City, is with all certainty untrue,” pahayag ng QCPD.
Sa naturang dokumentaryo, ipinakita ang kahabaan ng Kalye Pajo (na ilang metro lang ang layo sa Kampo Karingal) bilang kanlungan ng mga pusakal na pinamumunuan ng isang alyas Jojo mula sa Batangas City Jail Gang – sa halip na Batang City Jail.
Paglalarawan sa naturang piyesa, lahat ng residente ng naturang pamayanan ay pawang magnanakaw kung hindi man mamamatay-tao, kasama ang mga bata at mga kababaihan.
Bukod sa alyas Jojo, may anim pang ibang residente ng naturang komunidad ang gumanap sa dokumentaryo sa paniwalang babayaran ng producer sa pagganap.