PARA sa hanay ng mga tsuper ng mga pampublikong transportasyon, lubhang mahapdi ang dagok ng pinakahuling dagdag-presyong ipinataw ng mga kumpanya ng langis sa mga produktong petrolyo sa merkado.
Ayon sa grupong Piston, katumbas ng halos tatlong kilong bigas ang mawawalang kita kada araw sa kanilang maghapong pamamasada.
Sa isang pahayag, kinastigo ni Piston national president Mody Florida ang P2.70 kada litrong pagtaas sa presyo ng krudo.
“Malaking epekto ang pagtaas ng P2.70 per liter sapagkat kung tingnan natin, halos P81 per day ang nawalang kita ng drayber at mga operator na dapat ito ay ginagamit na sa pangangailangan ng kanilang pamilya,” ani Floranda.
“Kapag tiningnan natin sa loob ng 25 days ay halos P2,000 yung direct na nawala dahil nga sa epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo,” dagdag ng transport leader.
Araw ng Martes nang sumipa ang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo. Sa datos ng Department of Energy, P2.65 ang ipinataw na dagdag sa presyo kada litro ng gasolina, P2.70 kada litro sa krudo at P2.60 sa kerosene.
Katwiran ng DOE, geopolitical concerns, production cuts at unplanned refinery outages ang karaniwang dahilan sa paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
