Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN
HIGIT na angkop paspasan ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Ports Authority (PPA) ang proseso sa pagpasok at paglabas sa mga daungan ng kargamentong pagkain, kabilang ang bigas.
Pangamba ni Agri partylist Rep. Wilbert Lee, posibleng kapusin ang supply sa tuwing naaantala ang paglabas ng imported rice — hudyat para sa mga ganid na negosyante na samantalahin ang pagkakatong ipitin ang limitadong supply — sukdulang diktahan ang presyo ng bentahan sa mga pamilihan.
“We need to work quickly and efficiently as every delay in unloading rice cargoes not only adds to costs but also worsens the situation for consumers, especially with inflation,” pahayag ng Bicolano solon.
“Biruin n’yo, nasa isa hanggang dalawang linggo na raw nakatengga ‘yung mga kargamento ng bigas sa ating mga ports. Imbes na mailabas agad sa merkado para dumami ang supply at mapababa ang presyo ng bigas, eh lalo pa itong nagmamahal,” dagdag ng kongresista.
Mungkahi ni Lee, magdagdag ng mga tauhan ang dalawang nabanggit na ahensya at magpatupad ng round-the-clock shifts bilang solusyon sa cargo releasing backlogs.
“We need all hands-on deck. Increasing workforce or having 24/7 operations will significantly reduce backlogs and lower the prices of rice,” aniya pa.
“A seamless supply chain system, including efficient port logistics, is crucial to ensuring food security and keeping prices affordable. Mawawalan ng silbi ang Executive Order No. 62 na nagpababa ng taripa sa imported na bigas kung di naman mapapakinabangan ng mga consumers ang mas murang bigas,” dugtong ni Lee.
Kumpyansa naman si Lee sa mga kapwa mambabatas sa Kongreso na agarang aprubahan ang nakabinbing House Bill No. 10426, na nagsusulong magkaroon ng 24/7 frontline government services at pagpapalawig ng face-to-face transactions.
“Walang puwang dapat sa gobyerno ang mababagal at usad-pagong na sistema. Lagi dapat itong agrisibo sa paghahanap ng solusyon kung paano mapagaan ang pasanin ng mga Pilipino, hindi yung lalo pang nagpapabigat sa problema ng taumbayan, lalo sa usapin ng pagkain,” ayon sa AGRI partylist lawmaker.
“Habang naglalatag tayo ng panandaliang solusyon, dapat kumikilos na tayo para sa long-term na solusyon. Sa suporta sa agrikultura, panalo ang masa. Dapat lang na dagdagan ang tulong sa ating food security soldiers, mula sa pagtatanim, sa anihan, hanggang sa paghahatid at pagbebenta ng produkto sa merkado na siya ring magpapababa ng presyo. Murang pagkain, gawin na natin!” pagtatapis ni Lee.

Karagdagang Balita
Pork barrel scam: Enrile abswelto sa Sandigan
Reklamo laban sa mga gov’t officials tapos sa 60 araw?
Kaso vs. DPWH officials swak na sa Ombudsman