October 25, 2025

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

BOC TATALUPAN SA BUGATTI CAR SMUGGLING 

Ni ESTONG REYES

KUMBINSIDO ang Senado na may kasapakat sa loob ng Bureau of Customs (BOC) ang mga banyagang nagpasok sa bansa ng dalawang Bugatti Chiron sports cars na narekober ng mga awtoridad kamakailan.

Ayon sa isang pahayag ni Senador Sherwin Gatchalian, target na inihaing Senate Resolution 954 gawan ng remedyo ang revenue leakage bunsod ng patuloy pagpasok ng bansa ng mga mamahaling sasakyan.

Ani Gatchalian, hindi dumaan sa regular customs clearance ang dalawang luxury sports car, isang kulay asul na Bugatti na may plakang NIM 5448 at isang pulang Bugatti na may plakang NIM 5450. 

Pareho din aniyang walang import documents ang mga naturang sasakyan, batay sa kumpirmasyon ng BOC Management Information System at Technology Group.

“Kailangang matukoy ang mga butas sa mga proseso sa gobyerno na humahantong sa patuloy na tahasang pagpupuslit ng mga luxury item sa bansa, kabilang ang mga sasakyan. Isa ito sa mga dahilan kung bakit nawawalan ng kita ang gobyerno at nagdudulot ito ng malaking banta sa pambansang ekonomiya,” sabi ni Gatchalian, na namumuno ng Senate Committee on Ways and Means.

Puntirya ni Gatchalian malaman ang lawak ng operasyon at perwisyong dulot ng car smuggling sa bansa para sa pagbabalangkas ng mekanismong magbibigay-daan sa mas epektibong border control measures sa tulong ng makabagong teknolohiya.

Batay sa umiiral na presyuhan sa merkado, nasa P165 milyon ang halaga ng isang Bugatti Chiron. 

Hindi naman sinabi ni Gatchalian kung isasalang din sa pagdinig sina Menguin Zhu at Thru Trang Nguyen – mga banyagang may-ari ng nakumpiskang sasakyan, batay sa rekord ng Land Transportation Office.